Darating ka ba? Maghihintay ako.... Hindi ako kailanman mapapagod. Hinding hindi.
Rebel with a cause, now man with mission*
Monday, July 30, 2007
Kakabasa ko lang ng article kay Trillanes sa Inquirer. Di ko mapigilang maluha, lalo na nung tinitigan ko yung picture nya kasama yung dalawa nyang anak. Ewan, madrama kasi akong tao kaya simpleng picture lang, tinatablan na ko.
Hindi nya ako panatiko, pero tinitingala at nirerespeto ko ang kanyang tapang at paninindigan.
Galing kay Sen. Trillanes:
"Regretting is a negative response to an unfavorable result. But the positive response is to learn from this unfortunate event and make this lesson a guide to the future. It can help you strengthen your character."
"It just gives me confidence that whatever happens, it's supposed to happen. If I'm destined to be cut to pieces, so be it. But if I'm not destined for that, they can't do anything about it. I have reached this point. Will I still doubt the strength of my conviction?"
*Philippine Daily Inquirer, 29 July 2007
Ako at si Nanay*
Friday, July 27, 2007
Namimiss ko na ang nanay ko. Paminsan-minsan na lang siyang nagbabakasyon sa bahay dahil sa Bicol na sya nakatira. Hindi naman ako mama's boy, pero iba pa rin yung may kasama kang nanay sa bahay at sa buhay.
Lumaki ako na di naman ako umaasa at humihingi ng atensyon sa nanay ko. Sa dami kong kapatid at mga mas batang pamangkin, bata pa lang ako tinaggap ko na na hindi ako pwedeng mag-inarte at gumawa ng problema dahil mas maraming bagay na kailangang pagtuunan ng pansin ang nanay ko. Nagpatuli nga ko nang walang paalam e. Ako ang nag-aasikaso sa paggamot mula nung sariwa pa hanggang gumaling. Kung hindi ko pa nakasabay ng tuli ang pinsan ko, malamang ako din ang magpapakulo ng dahon ng bayabas panglanggas. Noong second year high school ako, tinamaan ako ng swing sa mukha at namaga sya at nagkulay berde, pero di ko sinabi kung anong nangyari, tinatakpan ko sa bahay para di mahalata. Nung may nakapansin, sinabi ko na nadapa lang ako. Hanggang nagyon, may tanda pa din sa mukha ko ng aksidenteng nangyari.
Kahit naman hindi ako alaga ng nanay ko, hindi ko naman maikakaila na mahal nya ko. Dati kasi sya yung kasama ko sa mga duktor pag nagkakasakit ako. Pero hanggang elementary lang yun. Nung tumuntong ako ng high school, itinatago ko na pag masama pakiramdam ko dahil nakikita ko na andami-daming iniisip ng nanay ko. Hindi din ako nagpapakitang umiiyak, nahihirapan, o kaya namumroblema. Hindi ako katulad ng iba na kumukonsulta sa nanay pag may problema, yung niyayakap ng nanay para gumaan ang pakiramdam. Kaya siguro ayun, hindi din kami kagun kalapit ng nanay ko.
May mga panahon, hindi, maraming panahon nung nasa kolehiyo ako na umiyak din ako dahil pakiramdam ko hindi ako mahal ng nanay ko. Yun yung tipong umiiyak ako mag-isa, niyayakap at sinusuntok yung unan, tumutulo yung sipon tapos makakatulog na lang. Marami akong mga eksenang ganun. Minsan pinaramdam ko sa nanay ko yung sakit na nararamdaman ko dahil nga hindi ko makita na binibigyan nya ko ng atensyon. Nakita ko naman na nakahalata nanay ko. Kahit papano, tinanong nya na ko kung kumain na ko, o pinagtabi ng ulam. Pero habang tumatagal, bumabalik pa din sa dati, pero naisip ko na ganun siguro kaming dalawa, ganun ako habang lumalaki, ganun na din nang tumanda ako. Sanayan na lang kumbaga.
Ngayon nga hindi ko na kasama nanay ko sa bahay. Kahit lumaki ako na hindi naman ganun kalapit sa kanya, namimiss ko sya. Naaalala ko nung bata ako, nagawa ko pa na humiga sa hita nya, ang himbing ng tulog ko nun. Nakakamiss din yung pinipilit ko sya na hilutin ang katawan ko. Sa kanya lang kasi ako kumportable na nakahubad, dahil nga siguro sa kanya din naman ako nanggaling. Ang gusting gusto ko pa ay ang luto ng nanay. Dati kasi yun nagluluto sa isang restaurant sa Cubao. Basta, kung lutuan ang usapan, walang tatalo sa nanay ko. Namimiss ko din na bunutin yung puti nyang buhok at buhok sa kili-kili. Hehe. May bayad pa bawat buhok nun. Ginagawa ko yun nung elementary pa lang ako. Kahit pala ganun ang naging relasyon naming ng nanay ko, mahal na mahal ko pa din sya.
Ayun, miss ko na ang nanay ko. Mahal ko sya. Kahit ganun ang pinagsamahan naming ng nanay ko, hindi ko sya ipagpapalit sa kaaahit kaaaaniiiiiinooooooong nanay sa mundo.
*Tungkol sana talaga 'to sa pagkamiss ko sa nanay ko, pero mukhang nakwento ko pati sarili ko. Ayan, ako at si nanay. ^_^
Gusto Mong Tumawa?
Tuesday, July 24, 2007
Nakalimutan ko na ang exact date na nangyari 'to. (Grr…. Dapat tinandaan ko pala!) Sa mga ganitong panahon matetest ang tunay na pagkakaibigan. (Wahahahahaa!)
Sa Rob Galleria
Nag-aapply ng trabaho ang kaibigang babae na itago na
lang natin sa pangalang Erika Lee (wahaha! Naitago ba?!). Kailangan niyang mag-undergo ng medical exam. Ito ang kinatatakutan ni Erika na part ng application process dahil ayaw nyang magpakapa ng katawan, babae man o lalake ang doktor dahil para sa kanya, ang katawan nya ay nakareserba para sa lalakeng mahal nya. Bukod sa kapaan at close/open ng mga kung anu-ano, kailangan nya din magbigay ng sample ng jebs. Ang deadline, 7pm.
Sa Office
Katext ng kaibigang lalake na itago na lang natin sa pangalang Paolo Jung (parang hindi naman naitago… Haha!) si Erika Lee. Kakakain lang ni Paolo Jung ng Ice Craze Ube Keso na sinabayan nya ng coke, ang sarap-sarap! Nagkasundo ang dalawa na magkita sa Rob Galleria dahil miss na miss na nila ang isa't isa. After ng office hours, sumakay agad ng fx si Paolo pa-galleria.
Sa Rob Galleria
Nagkita ang magkaibigan. May problema si Erika, mag-aalas siete na pero di pa din sya nakakajebs, dahil irregular daw ang pagjebs nya at sa kasawiang palad, na-jebs na sya nang umaga sa bahay nila bago nya malaman na medical nya nung araw na 'yun. Inaya ni Paolo si Erika na kumain ng kung anu-ano para lang majebs sya pero sabi ni Erika, kakakain nya lang at hindi naman sya majejebs dahil jumebs na sya nang umaga.
Nag-iisip ng paraan ang dalawa para majebs si Erika nang biglang, tararaaaann!!!!! Bakit hindi na lang si Paolo ang jumebs para kay Erika? Tutal naman naramdaman ni Paolo ang pagwawala ng kanyang tiyan kani-kanina lang. Remember ice craze ube keso with coke? Pero hindi ganun kadali ang lahat. Paano 'pag nakita kung galling sa babae o lalake yung jebs, e di goodbye trabaho? Dahil dito, agad nagtext brig ang dalawa sa med at nursing students, pati din sa hindi, at ayon sa mga nagreply hindi daw makikita yun, pero hindi sila sure. Nag-isip nang mabuti sina Paolo at Erika. Malapit na mag-alas syete at kailangang magdesisyon.
Nagpasya si Paolo na gawin na ang plano. Bahala na ang nasabi nila sa isa't isa. Inabot ni Erika kay Paolo at ang tissue. Habang papunta sila ng cr ay nanginginig ang mall sa kakatawa nila.
Sa loob ng cubicle sa cr ng Rob Galleria
Hindi mapigilan ni Paolo ang matawa habang naghahanda. Habang isinasakatuparan nya nag kanyang misyon ay tumawa sya, pero pinigil nya ito dahil baka may makarinig. Dahil dito, umurong ang paglabas ng jebs! Pinagbutihan ni Paolo ang trabaho, concentrate..... Hindi nagtagal, lumabas na ang jebs na akala mo ay choc-o lang! Wahahahahaha!
Inabot ni Paolo kay Erika ang cup na parang walang nangyari. Lalong nanginig ang mall sa mas pinatinding tawa ng dalawa. Pagkatapos nun, uminom sila ng zagu at naglakad papuntang sakayan.
Ang mga sumunod na kaganapan:
1. Itinuloy ni Paolo ang pagjebs sa bahay. Si Erika ay nakaramdam din ng kakaiba sa tiyan dala marahil sa zagu, ngunit hindi nabanggit kung ito'y nauwi sa tuluyang pagjebs.
2. Mag-iisang buwan na si Erika sa trabaho, at hanggang sa kasalukuyan, wala pang naiiuulat na bigayan ng jebs na naganap.
3. Ang mga nangyari ay nagpatibay sa pagsasamahang Paolo at Erika. Minsan nga, naiisip nila na iisang tao na lang sila. Pag maysakit si Paolo, may sakit din si Erika.
4. Isang linggo matapos ang pangyayari isinaad sa blog na ito, nagkaroon ng sobrang pagsakit ng tiyan si Paolo at kasabay nito ay nagsuka sya. Hindi kaya maysakit si Paolo? Kung nagkataon, kailangang magpagamot ni Erika. Pero sa kabutihang palad ay magaling na si Paolo. Dahil dun magaling na din si Erika.
5. Regular pa ding nagkikita ang magkaibigang Paolo at Erika.
7/24
Magdadalawang linggo na ang nakakaraan mula nang mapanaginipan ko ang kombinasyon ng numerong 7/24. Mula noon, hindi na ito naalis sa isip ko, at palagi ay iniisip ko kung anong mangyayari sa'kin sa ika-24 ng Hulyo. Sinubukan ko ngang tumaya sa easy-2 lotto pero may nauna na daw sa akin na nakataya ng 7/24 (noon ko lang nalaman na ganun pala ang rule, hehe.). Inisip ko din na baka may kung anong mangyari sa'kin sa araw na ito, pangit man o maganda. Pero ang pinakainasam kong mangyari ay ang dumating sa buhay ang taong matagal ko nang hinihintay. Hindi ako nakatitiyak kung sino siya, pero siya sana ang dumating bago matapos ang araw.
Ngayon na ang ang pinakainaabangan kong araw. Umaga pa lang ay napagtatanto ko na na espesyal talaga ang araw na ito. Ito ang ilan sa mga nangyari ngayong umaga pa lamang:
-Nagising ako ng lagpas alas-siete, hindi tulad ng nakasanayan na 6:30. Ibig sabihin, late na ako sa opisina at kailangan kong magmadali.
-Isa lang ang gumaganang ticket machine (yung pinapasukan ng ticket bago ka lumabas, hindi ko alam ang tawag dun) sa Gil Puyat station sa LRT1 kung saan ako bumababa. Lagi naming gumagana lahat yun, at kung kalian ako late na late na at saka pa mga nasira.
-dumaan sa ibang ruta ang fx na sinasakyan ko pero di pa din nakaiwas sa traffic. Traffic mula sa sinakayan ko hanggang sa office. Malapit na mag-9:30 nang dumating ako at iyon na ang pinakalate kong pagpasok.
-natatandaan nyo pa ba yung sinulat kong Hanggang sa Panaginip? Pakiramdam ko nabasa na nya (Syet.).
-may nagpadala sa'kin ng smiley sa friendster, at ako'y natutuwa sa kanya dahil di ko naman sya kilala pero parang nakita ko na sya dati
Maaga pa bago bigyan ng konklusyon ang araw. Higit 12 oras pa ang hihintayin ko bago ko tuluyang maunawaan ang halaga ng araw na ito. Umaasa pa din ako na ang pagiging espesyal nito ay sa magandang paraan. Sa kabila ng maaaring mga maganap, isa lang ang sigurado, susubukan ko ulit tumaya ng lotto! Mahirap na, baka ito na pala ang swerte ko!
Walang Kapalit*
Monday, July 16, 2007
Tumatanda na tayo. At kasabay ng pagdagdag ng mga taon sa ating edad, nahaharap na din tayo sa mga kabanatang mas matanda na din kaysa sa nagdaang mga taon na ating pinagsamahan.
Maraming mga nag-aakalang tayo, at tiyak na marami ang lubos na masisiyahan kapag tayo ang nagkatuluyan, at marami ang manghihinayang kapag nalaman nilang hindi naman talaga tayo magsing-irog. Kung pag-ibig at pagmamahal lang ang pag-uusapan, nag-uumapaw ang sa akin para sa'yo, maging ikaw sa akin, subalit kapwa natin alam ang tipo ng pag-ibig na ito, at iyon ay dala natin habambuhay. Higit pa nga sa pag-ibig ng magsing-irog ang alay ko sa'yo, at tulad nga ng sinabi ko noong nagdaang gabi, mas mahal ko kayo ng isa pang kaibigan sa kahit sino pang dumating sa buhay ko. Muntik pa tayong magkaiyakan kagabi, dala marahil ng pakiramdam na tila ikakasal na ako at sa loob nati'y naroon ang takot at mga alinlangan sa bagong landas na ipinasya kong tahakin na sa wakas.
Alam nating marami tayong binigong kakilala, pero alam din naman natin na masaya tayo para sa isa't isa. Sinong makapagsasabing tayong dalawa na noo'y parang mga bata na walang ginawa kundi humalakhak at magpatawa ay darating sa puntong kailangan na nating magmahal ng iba. Papaano, dati'y tayu-tayo lang ata ang nagmamahalan, pero ngayon, kailangan na nating ipagpaalam sa isa't isa ang mga bagong kaganapan sa ating buhay, mas makulay at mas seryoso kaysa sa ating mga nakasanayan.
Magkikita tayo sa darating na biyernes, at wag nating hayaang bumaha ng luha. Alam kong kapwa tayo nangangamba, subalit alam nating darating ang puntong ito, ang kailangan nating magdesisyon para sa ating mga sarili. Alam mo naman kung gaano ko katagal hinintay ang pagkakataong ito. Hindi na ako ngayon magiging duwag. Ang darating na biyernes ay gawin nating gabi ng selebrasyon.
Pero tulad ng sinabi ko, walang sinuman ang papantay sa pag-ibig ko sa'yo. Hindi nila masusukat kung gaano na kalalim ang ating pinagsamahan. Hindi ba, dala ng isang insidenteng ikinababaliw ng bawat taong kwentuhan natin ay iisang tao na lang tayo? Bihira ang dumadaan sa ganoong sitwasyon. (Pasensya, hindi ko mapigilang tumawa! Hahahahahaha. Gagawa ako ng hiwalay na entry para sa pangyayaring yun! Hahahahaha!)
Mahal na mahal kita at tulad mo, uupakan ko din ang sinumang mananakit sa'yo.
*Para kay Tonet, at para kay Carol. Walang pwedeng pumalit sa inyo sa puso ko.
Good News to All Yaminians!
Wednesday, July 11, 2007
Nabasa ko sa peyups na darating daw si Elliot sa Philippines.
sept 21 Trinoma,QC 8pm
sept 22 Glorietta 8pm
sept 23 Alabang Town Center 8pm
sept 26 ATC Cebu 8pm
sept 28 Market!Market! 8pm
Sugod na tayo!
Hanggang sa Panaginip*
Monday, July 09, 2007
Matagal bago ka muling naging laman ng aking panaginip. Hinahanap kita sa istasyon ng MRT, pero hindi kita matagpuan. Tanaw daw ako nang tanaw sa mga taong nag-aabang ng paparating na tren pero ni anino mo ay hindi ko makita. Habang hinahanap kita ay kinakausap kita sa aking isip nang may mga ganitong mga linya. "Hahabol ako sa labasan nyo, magkita tayo ngayon..... Aabutan mo ako sa tren, hihintayin kita." Hindi man kita nakikita nang mga sandaling iyon ay nakuha ko ang mensaheng nais mong iparating, hindi ka sigurado, ngunit umasa pa din ako. Paparating na ang tren at hindi na ako mapanatag, at halos mabali ang leeg sa pagtanaw sa mga taong naroroon. Humigit kumulang sampung metro ay dumako ang paningin ko sa ilang taong papasok sa humintong tren, pakiramdam ko'y naroon ka ngunit hindi pa din ako nakatitiyak. Mula doo'y isang liwanag ang tumapos sa aking panaginip.
Ang katotohanan, wala ka sa huling mga taong nakita ko bago dumating ang liwanag na nabanggit sa aking panaginip. Sa katunayan, alam kong hindi ka darating dahil sa una pa lang ay hindi mo naman sinabing makikipagtagpo ka sa akin. Ngunit nilalabanan ko iyon. Sa tuwina'y hinahanap-hanap kita at gusto kong mabigyan ng pagkakataong makausap ka at sabihin ang lahat ng nararamdaman ko. Sa wari ko, ang di ko kailanman pagsasabi nang personal ng damdamin ko sa'yo ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay patuloy akong ginugulo ng alaala mo. Tinangka ko namang sabihin ang lahat ngunit sa bawat pagkakataong iyon ay mismong panahon ang hindi pumapayag, hindi niya tayo pinagtatagpo. Wala naman akong hihingin sanang kapalit. Ang masabi ko lang sana ang lahat ay sapat na, na sa palagay ko'y magpapalaya sa akin.
Isinangguni ko sa ilang kaibigan ang panaginip kong ito at sa di na mabilang na pagkakataon ay pilit nila akong ginigising sa katotohanan. Idiniin din nila sa akin na kaya hindi ko mabigyan ng pagkakataon ang ilang bagong pag-ibig ay dahil sa'yo. At tulad ng dati, itinanggi ko na ikaw ang dahilan ng sunud-sunod na pagtalikod ko sa mga bagong dumadating sa buhay ko. Hindi ko alam kung tama sila o tama ako. Ang sigurado lamang ay nais ko pa ding marinig mula sa'yo na walang pag-asa, kahit napakatagal na ng isyung ito, at nang magawa ko na ang mga dapat kong gawin sa buhay ko.
*Sana maramdaman mong ikaw ang binabanggit ko sa sulating ito, at hiling kong sabihin mo na walang pag-asa. Kahit simpleng text lang. Iyon lang ang matagal kong hinihintay na sa mahabang panahon ay di ako nagkalakas loob na hingin sa'yo.
Bigkas Pilipinas
Mag-iiba ang bawat gabi ng sabado.
Makinig sa Bigkas Pilipinas, Saturday, 9pm-10pm sa Jam88.3, hosted by Ms. Cookie Tuazon
I highly recommend this radio program. Astig. Ika nga ng isa kong kaibigan, nakaka-high ang programang ito. Mas maappreciate mo ang mga literary pieces dito, Pilipino man o hindi. Basta, adik ako dito. Hindi kumpleto ang Saturday night nang walang Bigkas Pilipinas.
Ako ay Pilipino*
Wednesday, July 04, 2007
Ang unang buwan ko sa embahada ng Korea ay isang karanasang sumubok sa akin bilang Pilipino, lalo't ako'y nagtapos mula sa institusyong naghuhulma sa mga mag-aaral bilang magigiting na tagapaglingkod at tagapagtanggol ng bayan. Idagdag pa na bilang isang nagtapos sa UP, hindi ako sanay sa sistemang dinidiktahan at sunud-sunuran sa kung sino ang nasa mas mataas na posisyon, sa kung sino ang mas makapangyarihan. Marahil, makikita sa bawat kumpanya at institusyon, pribado man o pampubliko ang hirarkiyang sa mahabang panahon ay tinutuligsa ng marami sa atin. Sa kabilang banda, mahirap labanan ang ganitong kalagayan lalo at tayo ay nasasailalim sa kapangyarihan ng kapitalismo. Gayunman, higit sa kalagayang ito ang lubhang nagpapabagabag sa akin sa nakaraang isang buwan ng aking pamamalagi sa embahada ng Korea. Ito ang isyu ng aking pagka-Pilipino, ng ating pagka-Pilipino at ang katotohanang tayo ay patuloy na api at alila ng ibang lahi.
Panatiko ako ng mga produktong Koreano bago ko pa man tanggapin ang trabaho sa embahada. Masugid akong tagasubaybay ng mga nauusong Koreanovela at mga pelikula, nagpipilit magmukhang Koreano sa pananamit at istilo ng buhok, at isa sa mga nangangarap na makatuntong sa bansang tila laging maliwanag ang kalangitan at may napakamakulay na kapaligiran. Ang makapagtrabaho sa embahada ng Korea ay isang karangalan para sa isang tulad kong tagahanga, idagdag pa na mataas na ang sweldo para sa isang bagong salta sa "tunay na mundo". Para sa akin, ang makapagtrabaho dito ay isang hakbang palapit sa iniidolong bansa.
Ito ay isang maling akala. Ang pagkakapasok ko sa embahada ng Korea ay naging daan upang hindi ko na pangarapin pa ang mapabilang sa kanilang bayan. Sa halip, napagtibay ang aking pagkamakabayan na nasubukan sa mga panahong inilagi ko sa embahada. Masasabi kong mataas ang tingin ng mga Koreano sa kanilang sarili, maaaring dahil sila ay nasa mas mahirap na bansa at sila ang nagsisilibing amo ng mga Pilipino, o maaaring parte na ito ng kanilang kultura, ang mataas na tingin sa kanilang nasyonalidad. Hindi ko alam kung kanino ko dapat isisi ang ganitong sistema. Kung tutuusin, hindi lamang sa relasyong Koreano-Pilipino makikita ang ganitong kalagayan na marahil ay nakatatak na sa ating kasaysayan. Hindi kaila sa atin na sa maraming bansa ay paninilbihan bilang katulong o trabahador ang pinapasok ng ating mga kababayan. Ito ay isang mapait na insulto sa ating lahi. Subalit mas masakit ang maging alipin sa sariling bayan, ang maging sunud-sunuran sa ibang lahi samantalang tayo ay nakatuntong sa ating sariling lupain.
Nagpasya akong gawing panandalian na lamang ang pamamalagi ko sa embahada ng Korea. Inaamin kong mahirap agad-agad bitawan ang posisyon ko dahil na din sa hirap ng paghanap ng trabahong makapagbibigay ng matinong sweldo. Gayunpaman, kung gaano pa man kahaba o kaikli ang itatagal ko sa embahada, gagawin ko itong daan upang mabago ko ang sistema, kahit sa pagitan ko na lamang at ng mga konsul na aking pinagsisilbihan. Ang pagkakapasok ko sa embahadang ito ay maaari kong tingnan bilang oportunidad na maitaas ko ang tingin sa ating lahi, sa pamamagitan ng pagtatanggol sa Pilipino laban sa masasamang bagay na ikinakabit sa kanya, at pagpapaliwanag sa mga Koreano na hindi hadlang ang ating kahirapan upang maipamalas natin ang tibay ng ating dignidad at pagiging responsableng mga mamamayan.
Maaaring naging basehan ng pangit na imahe sa ating bansa ang maraming isyu ng kabuktutan sa pamahalaan, pag-abuso sa kapangyarihan, at di pagkakapantay-pantay sa trato sa mayaman at mahirap na mga mamamayan, subalit hindi dapat na habambuhay ay dalhin natin ang mga paratang na ito. Alam kong maging tayong mga Pilipino'y nagkakaroon din ng alinlangan sa ilan sa ating mga kababayan. Gayunpaman, hindi pa din ito sapat para tuluyang dungisan ang ating identidad. Nagdaan na tayo sa ilang ulit na pakikibaka upang pabagsakin ang gobyernong sa palagay nati'y inabuso ang kapangyarihan at naging taksil sa mga mamamayan. Ang ating tagumpay sa ilan sa mga labang ito ay patunay na kaya nating ipagtanggol ang ating mga karapatan at hindi natin hahayaang muling masikil ng mga makapangyarihan, at patuloy na ituring na alipin at mangmang.
Napapanahon na na i-angat ang lahing Pilipino. Ituloy ang laban para sa makabuluhang pagbabago!
*buong pagmamalaki