<$BlogRSDUrl$>
D I M E N S Y O N
Darating ka ba? Maghihintay ako.... Hindi ako kailanman mapapagod. Hinding hindi.

Hanggang sa Panaginip*

Monday, July 09, 2007
Matagal bago ka muling naging laman ng aking panaginip. Hinahanap kita sa istasyon ng MRT, pero hindi kita matagpuan. Tanaw daw ako nang tanaw sa mga taong nag-aabang ng paparating na tren pero ni anino mo ay hindi ko makita. Habang hinahanap kita ay kinakausap kita sa aking isip nang may mga ganitong mga linya. "Hahabol ako sa labasan nyo, magkita tayo ngayon..... Aabutan mo ako sa tren, hihintayin kita." Hindi man kita nakikita nang mga sandaling iyon ay nakuha ko ang mensaheng nais mong iparating, hindi ka sigurado, ngunit umasa pa din ako. Paparating na ang tren at hindi na ako mapanatag, at halos mabali ang leeg sa pagtanaw sa mga taong naroroon. Humigit kumulang sampung metro ay dumako ang paningin ko sa ilang taong papasok sa humintong tren, pakiramdam ko'y naroon ka ngunit hindi pa din ako nakatitiyak. Mula doo'y isang liwanag ang tumapos sa aking panaginip.

Ang katotohanan, wala ka sa huling mga taong nakita ko bago dumating ang liwanag na nabanggit sa aking panaginip. Sa katunayan, alam kong hindi ka darating dahil sa una pa lang ay hindi mo naman sinabing makikipagtagpo ka sa akin. Ngunit nilalabanan ko iyon. Sa tuwina'y hinahanap-hanap kita at gusto kong mabigyan ng pagkakataong makausap ka at sabihin ang lahat ng nararamdaman ko. Sa wari ko, ang di ko kailanman pagsasabi nang personal ng damdamin ko sa'yo ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay patuloy akong ginugulo ng alaala mo. Tinangka ko namang sabihin ang lahat ngunit sa bawat pagkakataong iyon ay mismong panahon ang hindi pumapayag, hindi niya tayo pinagtatagpo. Wala naman akong hihingin sanang kapalit. Ang masabi ko lang sana ang lahat ay sapat na, na sa palagay ko'y magpapalaya sa akin.

Isinangguni ko sa ilang kaibigan ang panaginip kong ito at sa di na mabilang na pagkakataon ay pilit nila akong ginigising sa katotohanan. Idiniin din nila sa akin na kaya hindi ko mabigyan ng pagkakataon ang ilang bagong pag-ibig ay dahil sa'yo. At tulad ng dati, itinanggi ko na ikaw ang dahilan ng sunud-sunod na pagtalikod ko sa mga bagong dumadating sa buhay ko. Hindi ko alam kung tama sila o tama ako. Ang sigurado lamang ay nais ko pa ding marinig mula sa'yo na walang pag-asa, kahit napakatagal na ng isyung ito, at nang magawa ko na ang mga dapat kong gawin sa buhay ko.

*Sana maramdaman mong ikaw ang binabanggit ko sa sulating ito, at hiling kong sabihin mo na walang pag-asa. Kahit simpleng text lang. Iyon lang ang matagal kong hinihintay na sa mahabang panahon ay di ako nagkalakas loob na hingin sa'yo.
5:02 PM :: ::
2 Comments:
  • siguro panahon na din para tanggapin natin sa mga sarili natin na hindi sa lahat ng pagkakataon ay may "closure" ang isang relationship. mas makakabuti siguro kung tayo na mismo ang mag-"let go" at wag nang umasa pang bibigyan tayo ng atensyon ng taong gusto nating makausap. siguro para sa kanila tapos na ang isyu na yun, wala nang kelangan pag-usapan. kung ganun nga, kailangan na nating bitawan ang mga bagay na nakakapigil sa mas nakabubuti para sa ating mga sarili.

    nasa atin naman ang desisyon palagi. hindi ka talaga makaka-move on kung ayaw mo pang mag-move on o kung balak mong maghintay nang sobrang tagal na panahon (paano kung hindi ito dumating?).

    By Anonymous Anonymous, at 11:38 PM  
  • hay.... tama ka (kung sino ka man). i'm moving on.

    By Anonymous Anonymous, at 11:47 AM  
Post a Comment
<< Home

Jayson :: permalink