Ako at si Nanay*
Namimiss ko na ang nanay ko. Paminsan-minsan na lang siyang nagbabakasyon sa bahay dahil sa Bicol na sya nakatira. Hindi naman ako mama's boy, pero iba pa rin yung may kasama kang nanay sa bahay at sa buhay.
Lumaki ako na di naman ako umaasa at humihingi ng atensyon sa nanay ko. Sa dami kong kapatid at mga mas batang pamangkin, bata pa lang ako tinaggap ko na na hindi ako pwedeng mag-inarte at gumawa ng problema dahil mas maraming bagay na kailangang pagtuunan ng pansin ang nanay ko. Nagpatuli nga ko nang walang paalam e. Ako ang nag-aasikaso sa paggamot mula nung sariwa pa hanggang gumaling. Kung hindi ko pa nakasabay ng tuli ang pinsan ko, malamang ako din ang magpapakulo ng dahon ng bayabas panglanggas. Noong second year high school ako, tinamaan ako ng swing sa mukha at namaga sya at nagkulay berde, pero di ko sinabi kung anong nangyari, tinatakpan ko sa bahay para di mahalata. Nung may nakapansin, sinabi ko na nadapa lang ako. Hanggang nagyon, may tanda pa din sa mukha ko ng aksidenteng nangyari.
Kahit naman hindi ako alaga ng nanay ko, hindi ko naman maikakaila na mahal nya ko. Dati kasi sya yung kasama ko sa mga duktor pag nagkakasakit ako. Pero hanggang elementary lang yun. Nung tumuntong ako ng high school, itinatago ko na pag masama pakiramdam ko dahil nakikita ko na andami-daming iniisip ng nanay ko. Hindi din ako nagpapakitang umiiyak, nahihirapan, o kaya namumroblema. Hindi ako katulad ng iba na kumukonsulta sa nanay pag may problema, yung niyayakap ng nanay para gumaan ang pakiramdam. Kaya siguro ayun, hindi din kami kagun kalapit ng nanay ko.
May mga panahon, hindi, maraming panahon nung nasa kolehiyo ako na umiyak din ako dahil pakiramdam ko hindi ako mahal ng nanay ko. Yun yung tipong umiiyak ako mag-isa, niyayakap at sinusuntok yung unan, tumutulo yung sipon tapos makakatulog na lang. Marami akong mga eksenang ganun. Minsan pinaramdam ko sa nanay ko yung sakit na nararamdaman ko dahil nga hindi ko makita na binibigyan nya ko ng atensyon. Nakita ko naman na nakahalata nanay ko. Kahit papano, tinanong nya na ko kung kumain na ko, o pinagtabi ng ulam. Pero habang tumatagal, bumabalik pa din sa dati, pero naisip ko na ganun siguro kaming dalawa, ganun ako habang lumalaki, ganun na din nang tumanda ako. Sanayan na lang kumbaga.
Ngayon nga hindi ko na kasama nanay ko sa bahay. Kahit lumaki ako na hindi naman ganun kalapit sa kanya, namimiss ko sya. Naaalala ko nung bata ako, nagawa ko pa na humiga sa hita nya, ang himbing ng tulog ko nun. Nakakamiss din yung pinipilit ko sya na hilutin ang katawan ko. Sa kanya lang kasi ako kumportable na nakahubad, dahil nga siguro sa kanya din naman ako nanggaling. Ang gusting gusto ko pa ay ang luto ng nanay. Dati kasi yun nagluluto sa isang restaurant sa Cubao. Basta, kung lutuan ang usapan, walang tatalo sa nanay ko. Namimiss ko din na bunutin yung puti nyang buhok at buhok sa kili-kili. Hehe. May bayad pa bawat buhok nun. Ginagawa ko yun nung elementary pa lang ako. Kahit pala ganun ang naging relasyon naming ng nanay ko, mahal na mahal ko pa din sya.
Ayun, miss ko na ang nanay ko. Mahal ko sya. Kahit ganun ang pinagsamahan naming ng nanay ko, hindi ko sya ipagpapalit sa kaaahit kaaaaniiiiiinooooooong nanay sa mundo.
*Tungkol sana talaga 'to sa pagkamiss ko sa nanay ko, pero mukhang nakwento ko pati sarili ko. Ayan, ako at si nanay. ^_^