Ako ay Pilipino*
Wednesday, July 04, 2007
Ang unang buwan ko sa embahada ng Korea ay isang karanasang sumubok sa akin bilang Pilipino, lalo't ako'y nagtapos mula sa institusyong naghuhulma sa mga mag-aaral bilang magigiting na tagapaglingkod at tagapagtanggol ng bayan. Idagdag pa na bilang isang nagtapos sa UP, hindi ako sanay sa sistemang dinidiktahan at sunud-sunuran sa kung sino ang nasa mas mataas na posisyon, sa kung sino ang mas makapangyarihan. Marahil, makikita sa bawat kumpanya at institusyon, pribado man o pampubliko ang hirarkiyang sa mahabang panahon ay tinutuligsa ng marami sa atin. Sa kabilang banda, mahirap labanan ang ganitong kalagayan lalo at tayo ay nasasailalim sa kapangyarihan ng kapitalismo. Gayunman, higit sa kalagayang ito ang lubhang nagpapabagabag sa akin sa nakaraang isang buwan ng aking pamamalagi sa embahada ng Korea. Ito ang isyu ng aking pagka-Pilipino, ng ating pagka-Pilipino at ang katotohanang tayo ay patuloy na api at alila ng ibang lahi.Panatiko ako ng mga produktong Koreano bago ko pa man tanggapin ang trabaho sa embahada. Masugid akong tagasubaybay ng mga nauusong Koreanovela at mga pelikula, nagpipilit magmukhang Koreano sa pananamit at istilo ng buhok, at isa sa mga nangangarap na makatuntong sa bansang tila laging maliwanag ang kalangitan at may napakamakulay na kapaligiran. Ang makapagtrabaho sa embahada ng Korea ay isang karangalan para sa isang tulad kong tagahanga, idagdag pa na mataas na ang sweldo para sa isang bagong salta sa "tunay na mundo". Para sa akin, ang makapagtrabaho dito ay isang hakbang palapit sa iniidolong bansa.
Ito ay isang maling akala. Ang pagkakapasok ko sa embahada ng Korea ay naging daan upang hindi ko na pangarapin pa ang mapabilang sa kanilang bayan. Sa halip, napagtibay ang aking pagkamakabayan na nasubukan sa mga panahong inilagi ko sa embahada. Masasabi kong mataas ang tingin ng mga Koreano sa kanilang sarili, maaaring dahil sila ay nasa mas mahirap na bansa at sila ang nagsisilibing amo ng mga Pilipino, o maaaring parte na ito ng kanilang kultura, ang mataas na tingin sa kanilang nasyonalidad. Hindi ko alam kung kanino ko dapat isisi ang ganitong sistema. Kung tutuusin, hindi lamang sa relasyong Koreano-Pilipino makikita ang ganitong kalagayan na marahil ay nakatatak na sa ating kasaysayan. Hindi kaila sa atin na sa maraming bansa ay paninilbihan bilang katulong o trabahador ang pinapasok ng ating mga kababayan. Ito ay isang mapait na insulto sa ating lahi. Subalit mas masakit ang maging alipin sa sariling bayan, ang maging sunud-sunuran sa ibang lahi samantalang tayo ay nakatuntong sa ating sariling lupain.
Nagpasya akong gawing panandalian na lamang ang pamamalagi ko sa embahada ng Korea. Inaamin kong mahirap agad-agad bitawan ang posisyon ko dahil na din sa hirap ng paghanap ng trabahong makapagbibigay ng matinong sweldo. Gayunpaman, kung gaano pa man kahaba o kaikli ang itatagal ko sa embahada, gagawin ko itong daan upang mabago ko ang sistema, kahit sa pagitan ko na lamang at ng mga konsul na aking pinagsisilbihan. Ang pagkakapasok ko sa embahadang ito ay maaari kong tingnan bilang oportunidad na maitaas ko ang tingin sa ating lahi, sa pamamagitan ng pagtatanggol sa Pilipino laban sa masasamang bagay na ikinakabit sa kanya, at pagpapaliwanag sa mga Koreano na hindi hadlang ang ating kahirapan upang maipamalas natin ang tibay ng ating dignidad at pagiging responsableng mga mamamayan.
Maaaring naging basehan ng pangit na imahe sa ating bansa ang maraming isyu ng kabuktutan sa pamahalaan, pag-abuso sa kapangyarihan, at di pagkakapantay-pantay sa trato sa mayaman at mahirap na mga mamamayan, subalit hindi dapat na habambuhay ay dalhin natin ang mga paratang na ito. Alam kong maging tayong mga Pilipino'y nagkakaroon din ng alinlangan sa ilan sa ating mga kababayan. Gayunpaman, hindi pa din ito sapat para tuluyang dungisan ang ating identidad. Nagdaan na tayo sa ilang ulit na pakikibaka upang pabagsakin ang gobyernong sa palagay nati'y inabuso ang kapangyarihan at naging taksil sa mga mamamayan. Ang ating tagumpay sa ilan sa mga labang ito ay patunay na kaya nating ipagtanggol ang ating mga karapatan at hindi natin hahayaang muling masikil ng mga makapangyarihan, at patuloy na ituring na alipin at mangmang.
Napapanahon na na i-angat ang lahing Pilipino. Ituloy ang laban para sa makabuluhang pagbabago!
*buong pagmamalaki