<$BlogRSDUrl$>
D I M E N S Y O N
Darating ka ba? Maghihintay ako.... Hindi ako kailanman mapapagod. Hinding hindi.

Walang Kapalit*

Monday, July 16, 2007

Tumatanda na tayo. At kasabay ng pagdagdag ng mga taon sa ating edad, nahaharap na din tayo sa mga kabanatang mas matanda na din kaysa sa nagdaang mga taon na ating pinagsamahan.

Maraming mga nag-aakalang tayo, at tiyak na marami ang lubos na masisiyahan kapag tayo ang nagkatuluyan, at marami ang manghihinayang kapag nalaman nilang hindi naman talaga tayo magsing-irog. Kung pag-ibig at pagmamahal lang ang pag-uusapan, nag-uumapaw ang sa akin para sa'yo, maging ikaw sa akin, subalit kapwa natin alam ang tipo ng pag-ibig na ito, at iyon ay dala natin habambuhay. Higit pa nga sa pag-ibig ng magsing-irog ang alay ko sa'yo, at tulad nga ng sinabi ko noong nagdaang gabi, mas mahal ko kayo ng isa pang kaibigan sa kahit sino pang dumating sa buhay ko. Muntik pa tayong magkaiyakan kagabi, dala marahil ng pakiramdam na tila ikakasal na ako at sa loob nati'y naroon ang takot at mga alinlangan sa bagong landas na ipinasya kong tahakin na sa wakas.

Alam nating marami tayong binigong kakilala, pero alam din naman natin na masaya tayo para sa isa't isa. Sinong makapagsasabing tayong dalawa na noo'y parang mga bata na walang ginawa kundi humalakhak at magpatawa ay darating sa puntong kailangan na nating magmahal ng iba. Papaano, dati'y tayu-tayo lang ata ang nagmamahalan, pero ngayon, kailangan na nating ipagpaalam sa isa't isa ang mga bagong kaganapan sa ating buhay, mas makulay at mas seryoso kaysa sa ating mga nakasanayan.

Magkikita tayo sa darating na biyernes, at wag nating hayaang bumaha ng luha. Alam kong kapwa tayo nangangamba, subalit alam nating darating ang puntong ito, ang kailangan nating magdesisyon para sa ating mga sarili. Alam mo naman kung gaano ko katagal hinintay ang pagkakataong ito. Hindi na ako ngayon magiging duwag. Ang darating na biyernes ay gawin nating gabi ng selebrasyon.

Pero tulad ng sinabi ko, walang sinuman ang papantay sa pag-ibig ko sa'yo. Hindi nila masusukat kung gaano na kalalim ang ating pinagsamahan. Hindi ba, dala ng isang insidenteng ikinababaliw ng bawat taong kwentuhan natin ay iisang tao na lang tayo? Bihira ang dumadaan sa ganoong sitwasyon. (Pasensya, hindi ko mapigilang tumawa! Hahahahahaha. Gagawa ako ng hiwalay na entry para sa pangyayaring yun! Hahahahaha!)

Mahal na mahal kita at tulad mo, uupakan ko din ang sinumang mananakit sa'yo.

*Para kay Tonet, at para kay Carol. Walang pwedeng pumalit sa inyo sa puso ko.

12:53 PM :: ::
0 Comments:
Post a Comment
<< Home

Jayson :: permalink