Paglayo*
Friday, June 22, 2007
Sinubukan ko nang abutin ang buwan para sa’yo,
ngunit ito’y nagdulot ng lumbay.
Ang marating ang buwan ay ang malayo sa’yo,
kaya ako’y nagbalik.
Nais mong marating ko ang kalawakan.
Nais ko’y makapiling ka.
Minahal mo ako, minahal kita.
Minamahal kita, minamahal…..
Naabot ko ang langit, nawala ka sa buhay ko.
Iaalay ko ang buwan sa wala.
Minahal mo ako, minahal kita.
Mananatili kitang mahal….
*Para sa nagkalayong mga puso, at kailanma’y din na muling nagtagpo.
Gabi, Umaga, at ang Dapithapon*
Friday, June 15, 2007
Minsan isang gabi, umuulan.Ang bukas na telebisyon ang tanging nagbibigay liwanag sa silid ng binatang noo'y nakatanaw sa labas ng bintana, animo'y kinikilala ang kadiliman ng gabi. Tulad ng maraming gabing nagdaan, ang gabing iyon para sa binata ay paghihintay. Ngunit naiiba ang gabing iyon dala ng ulan, sapagkat ang ulan ang nagtakda na iyon na huli, ang hangganan ng paghihintay, ang gabi ng pamamaalam. Nang gabing iyon, tinalo ng pagluha ang pagbuhos ng ulan.
Isang madilim na umagaIpinasya ng binatang bumangon na sa kama matapos ang isang malungkot na magdamag. Tulad ng dati, walang mga ibong bumabati ng isang magandang umaga, at walang sariwang hanging tumatawid mula sa naiwang nakabukas na bintana. Mamasa-masa ang lupa sa labas, nagiging putik sa bawat taong napapadaan, sa kanya'y patunay na hindi panaginip ang pagdating ng ulan, hudyat ng paglaya. Subalit paanong ang paglaya'y nagdudulot ng pait at matinding paghihirap? Natapos na ang paghihinatay, ngunit hindi ang sakit, hindi ang pagluha. Nang umagang iyon para sa binata, binalot ng dilim ang liwanag ng kalangitan.
At sa wakas, sumapit ang dapithapon.Kasabay ng paglubog ng araw ay ang paglaho ng isang pangarap. Ang bukas para sa binata ay ang kahapon at ang magpatuloy sa pagsalubong sa susunod na umaga ay pagtanggap ng pagdurusa. Malinaw sa binata ang kanyang kahinaan at tinanggap niya ito gaya ng pagharap niya sa ulan nang nakaraang gabi. Kagabi ay gabi ng pamamaalam sa nakaraan at ang lumipas na umaga ay araw ng paglaya, paglayang humantong sa pagsuko at umagang naghatid sa binata sa dapithapong hindi na baon ang gabi. Nagpasya siyang isara na ang bintana at tuluyang talikuran ang lahat.
Dumating na ang dapithapon, ngunit di tulad ng dati, hindi na darating ang gabi, at ang umaga.
*Sa kamatayan, nawawalan ng buhay ang katawan, ngunit hindi ang kaluluwa.
True Friends*
Thursday, June 07, 2007
*Miss na miss ko na kayo!
Roller Coaster Catsup Craze*
Wednesday, June 06, 2007
Nang dahil sa’yo, naging paborito ko ang Roller Coaster Catsup Craze. Sa tuwing kumakain ako nito, ikaw ang naiisip ko. Ano kayang ginagawa mo ngayon? Nasan ka? Kumusta ka na kaya? Hanggang ngayon, iniisip ko kung bakit di mo naubos ang Roller Coaster Catsup Craze, e ang sarap-sarap naman. Magkaiba nga siguro tayo ng panlasa, hindi pareho, hindi tugma, magkaiba. Magkaiba tayo.
Adik na nga ko sa Roller Coaster Catsup Craze. Pero nabibwisit din ako minsan sa sarili ko dahil hindi
na dapat ako sumaya pa sa Roller Coaster Catsup Craze at sa alaala mo. Matagal na kitang pinalaya. Matagal ko na ding tinanggap ang katotohanang hindi tayo para sa isa’t isa, at magkahiwalay na tayo ng mundo. Ako sa mundo ng pangungulila at habambuhay na pag-asam sa nabigong pag-ibig, habang ikaw, sa mundong ang alam ko’y masaya ka na. At iton na lang ang ipinagpapasalamat ko, ang kaalamang nasa ayos ka, at masaya.
Hindi naman na talaga ako umaasa. Alam ko kung gaano kita nasaktan at alam ko din kung gaanong sakit pa ang maari mong maramdaman sa piling ko. Pero ganunpaman, kahit tuluyan na tayong malayo sa isa’t isa, at marahil, habang patuloy ang Jack n Jill sa paggawa ng Roller Coaster Catsup Craze, hinding-hindi matatapos ang pag-ibig ko sa’yo.
*Salamat sa’yo at nagkaroon ako ng paboritong pagkain mapa-umaga, tanghali, hapon, hanggang gabi.
Last Trip*
Friday, June 01, 2007
Kaylamig
Nananabik sa iyong mga yakap.
Naaalala mo pa ba ang huling gabi?
Isinama mo ako sa iyong langit.
Kailan ka babalik?
Pasalubong mo sana ay init.
Makahabol ka sana sa huling biyahe.
Maghihintay ako sa’yo.
Kaybagal ng oras.
Ikaw ang papawi sa aking lumbay.
Nais kong makita ka.
Nais kang hagkan.
Kaylamig
Natapos na ang huling biyahe.
Saan kita hahanapin?
Kailan kita matatagpuan?
*21/05/07