<$BlogRSDUrl$>
D I M E N S Y O N
Darating ka ba? Maghihintay ako.... Hindi ako kailanman mapapagod. Hinding hindi.

Gabi, Umaga, at ang Dapithapon*

Friday, June 15, 2007
Minsan isang gabi, umuulan.

Ang bukas na telebisyon ang tanging nagbibigay liwanag sa silid ng binatang noo'y nakatanaw sa labas ng bintana, animo'y kinikilala ang kadiliman ng gabi. Tulad ng maraming gabing nagdaan, ang gabing iyon para sa binata ay paghihintay. Ngunit naiiba ang gabing iyon dala ng ulan, sapagkat ang ulan ang nagtakda na iyon na huli, ang hangganan ng paghihintay, ang gabi ng pamamaalam. Nang gabing iyon, tinalo ng pagluha ang pagbuhos ng ulan.

Isang madilim na umaga
Ipinasya ng binatang bumangon na sa kama matapos ang isang malungkot na magdamag. Tulad ng dati, walang mga ibong bumabati ng isang magandang umaga, at walang sariwang hanging tumatawid mula sa naiwang nakabukas na bintana. Mamasa-masa ang lupa sa labas, nagiging putik sa bawat taong napapadaan, sa kanya'y patunay na hindi panaginip ang pagdating ng ulan, hudyat ng paglaya. Subalit paanong ang paglaya'y nagdudulot ng pait at matinding paghihirap? Natapos na ang paghihinatay, ngunit hindi ang sakit, hindi ang pagluha. Nang umagang iyon para sa binata, binalot ng dilim ang liwanag ng kalangitan.

At sa wakas, sumapit ang dapithapon.

Kasabay ng paglubog ng araw ay ang paglaho ng isang pangarap. Ang bukas para sa binata ay ang kahapon at ang magpatuloy sa pagsalubong sa susunod na umaga ay pagtanggap ng pagdurusa. Malinaw sa binata ang kanyang kahinaan at tinanggap niya ito gaya ng pagharap niya sa ulan nang nakaraang gabi. Kagabi ay gabi ng pamamaalam sa nakaraan at ang lumipas na umaga ay araw ng paglaya, paglayang humantong sa pagsuko at umagang naghatid sa binata sa dapithapong hindi na baon ang gabi. Nagpasya siyang isara na ang bintana at tuluyang talikuran ang lahat.

Dumating na ang dapithapon, ngunit di tulad ng dati, hindi na darating ang gabi, at ang umaga.


*Sa kamatayan, nawawalan ng buhay ang katawan, ngunit hindi ang kaluluwa.
2:40 PM :: ::
0 Comments:
Post a Comment
<< Home

Jayson :: permalink