Ikaw at ang Ulan ay Iisa*
Friday, April 24, 2009
Ikaw at ang ulan ay iisa.
Ang bawat patak ay may himig, nagbabalik ng iyong alaala, at ng gabing pinili kong ibigin ka.
Ikaw at ang ulan ay iisa.
Sa bawat pagdungaw sa salaming bintana ay natatanaw din kita, habang naglalakad ka sa kalyeng una kitang nakita.
Ikaw at ang ulan ay iisa.
Ang lamig ng panahon ay nagpapaalala sa akin kung gaano kalambot ang iyong mga kamay, at ang iyong labing kaytagal kong ninais hagkan.
Ikaw at ang ulan ay iisa.
Hanggang hindi tumitila ang ulan, hanggang natatapakan ko ang mga nabasang daan, hindi matatapos ang pag-ibig ko.
Mahal ko ang ulan sa kabila ng pangungulilang hatid nito. Iniibig kita sa kabila ng nawalang nakaraan. Iniibig ko ang ulan. Mahal kita. Ikaw at ang ulan ay iisa.
*para sa lahat ng may naaalala sa pagbuhos ng ulan. Matatapos din ang ginaw. :-)