Ikaw at ang Ulan ay Iisa*
Friday, April 24, 2009
Ikaw at ang ulan ay iisa.
Ang bawat patak ay may himig, nagbabalik ng iyong alaala, at ng gabing pinili kong ibigin ka.
Ikaw at ang ulan ay iisa.
Sa bawat pagdungaw sa salaming bintana ay natatanaw din kita, habang naglalakad ka sa kalyeng una kitang nakita.
Ikaw at ang ulan ay iisa.
Ang lamig ng panahon ay nagpapaalala sa akin kung gaano kalambot ang iyong mga kamay, at ang iyong labing kaytagal kong ninais hagkan.
Ikaw at ang ulan ay iisa.
Hanggang hindi tumitila ang ulan, hanggang natatapakan ko ang mga nabasang daan, hindi matatapos ang pag-ibig ko.
Mahal ko ang ulan sa kabila ng pangungulilang hatid nito. Iniibig kita sa kabila ng nawalang nakaraan. Iniibig ko ang ulan. Mahal kita. Ikaw at ang ulan ay iisa.
*para sa lahat ng may naaalala sa pagbuhos ng ulan. Matatapos din ang ginaw. :-)
Maisusulat Ko Ngayong Gabi
Thursday, April 02, 2009
"Tonight I Can Write" -- Pablo Neruda
Isinalin sa Wikang Tagalog ni Chloe Nina L. Ballesteros
Maisusulat Ko Ngayong Gabi
Ngayong gabi'y maisusulat ko, taludtod ng luha't hinagpis
Tulad ng, "Ang gabi'y natatanglawan ng mga bituing nangungulila, nilalamig; Hinahaplos ng hanging malumanay, umaawit."
Ngayong gabi'y maisusulat ko, taludtod ng hapis at lungkot
Wagas ko siyang inibig, may minsang inibig din niya ako
Sa mga gabing tulad nito yakap ko siya't hinahagkan.
Niyayakap, hinahagkan, paulit-ulit...
Sa lilim ng itim na kumot na wari'y walang dulo,
Walang katapusan
Wagas niya akong inibig, may minsang inibig ko rin siya.
Paanong hindi ka matatangay ng alon ng kanyang mga mata.
Ngayong gabi'y maisusulat ko, taludtod ng walang pagsidlang kalungkutan.
Isiping wala siya sa'king piling. Damhin na kailanma'y 'di na magbabalik.
Dingging ang ulilang gabi, na higit pang binalot ng kahungkagan nang siya'y lumisan.
At ang dula ng taludtod ay maglalandas sa kaluluwa tulad ng hamog sa damuhan.
Anong halaga ng limiing hindi siya mapanitili ng aking pag-ibig.
Ang gabi'y puno ng tala't bituin samantalang wala siya sa aking piling.
Wakas. Tangay ng hangin ang himig mula sa malayo. Sa dako palayo.
Bahagi ng aking kaluluwa'y dinuyan ng hangin kasabay ng kanyang paglisan.
Sinubukan siyang hanapin ng aking mga mata tila upang akayin siya palapit.
Kinapa siya ng aking puso at wala siya sa aking piling.
Ang kakahuyan ay nakakanlaong sa bisig ng gabi.
Walang nagbago.
Kami, nang mga panahong iyon ay 'di na tulad ng nakaraan.
Pawang mga estranghero sa isa't isa.
Ang aking pag-ibig ay nagmaliw, iyan ay tiyak, subalit labis ko siyang minahal.
Sinubukang sumpungin ng aking tinig ang hanging dadama sa kanyang pandinig.
Wakas. Siya ay magiging pag-aari ng iba. Tulad noong bago ko siya mahagkan.
Ang kanyang tinig, ang kanyang katawan. Ang kanyang nangungusap na mata.
Ang aking pag-ibig ay nagmaliw, iyan ay tiyak, subalit maaaring mahal ko siya.
Napakadaling magliyab ng pag-ibig, napakatagal humupa ng usok na kaakibat ng limot.
Sapagkat sa mga gabing tulad nito ay yakap ko siya't hinahagkan
Kaluluwa ko'y nangulila mula nang siya'y mawala.
Kahit ito na ang huling sakit at dusang kanyang ipadarama.
At ang mga ito ang huling taludtod na isusulat ko para sa kanya.
Idol: On Megan Joy
Wednesday, April 01, 2009
I'm not making a forecast.
Hope Megan won't get the boot. :-(
But seeing her go at this stage of the competition will not kill me. So decide America.