Para Kay Mang Pepe*
Friday, March 07, 2008
Nasa elementarya ako nang una kitang makilala. Kumpare ka ng tatay at kasamahan sa trabahong pinapasukan. Iisa lamang tayo ng barangay na tinitirhan kaya naman halos araw-araw kitang nakikita at pati na din ang mga anak mong babae na halos kapareho ko lang ng edad.Palagay ang loob ko sa'yo sa dahilang isa ka sa pinakamatalik na kaibigan ng tatay ko. Nakita ko kung paano kayo nagdamayan ng tatay nang matapos ang kontrata nyo sa trabaho, ang mga araw na nag-uusap kayo kung paano itataguyod ang kanya-kanya niyong pamilya. Saksi ako sa pagkakaibigang dumaan sa hindi mga birong pagsubok. Sa inyong dalawa ng tatay, batid kong naging mas mahirap sa'yo ang mga sumunod na araw.
Nagdaan ang ilang taon. Hindi maitatago ang kahirapang iyong pinagdadaanan. Malaki ang ibinagsak ng katawan mo, mga matang nawalan ng sigla at balat na sinunog ng araw. Araw-araw kitang nakikita sa labasan habang nag-aabang ng mga pasahero ng pedicab na iyong nirerentahan. Naging ritwal na ang pagtanong mo sa akin kung papasok na ako at sa tuwing ako ay sasakay, pinipilit mong wag tanggapin ang bayad ko at sinasabing bawi na lang ako pag nagkatrabaho na ako. Hindi ako pumapayag dahil batid kong bawat isang pasaherong maihahatid mo ay makakatulong para mairaos nyo ng pamilya mo ang isang buong araw, pero kadalasan hindi mo talaga tinatanggap ang bayad ko.
Nasa kolehiyo na ako nang malaman ko mula sa ate ko na hindi lang pala simpleng pinansyal na problema ang pinagdadaanan ng pamilya mo. Iniwan ka ng iyong asawa, kayo ng mga anak mo sa dahilang wala kang matinong trabaho. Noon ko lubos na naunawaan ang bawat linyang mababakas sa iyong mukha, at ang palagia'y pagtingin sa kawalan. Ilang araw pa ang lumipas mula nang malaman ko ito, nasalubong ko ang iyong panganay na matagal ko na ding hindi nakikita sa ating lugar. Nang huli ko siyang makita ay naka-unipormeng para sa nursing student, ngunit ngayo'y nakadaster at nagdadalang-tao. Tila kinurot ang puso ko sa larawang iyon, at nais ko noong puntahan ka para maipadama sa'yong may kadamay ka sa mga pinagdadaanan mo.
Marami-rami ding araw na dumadalaw ka sa bahay, nakikipagkwentuhan kay tatay at nanay, at sa mga pagkakataong ito, napatunayan ko ang tatag ng inyong samahan. Nais kitang pasalamatan dahil alam kong lagi ka ding nariyan para sa tatay. At nais kong malaman mo na sa likod ng bawat pagsubok na iyong pagdadaanan ay nasa likod mo kami. Mahal na mahal ka nang buong pamilya.
Kaninang umaga ay nakita kita at tulad nang dati ay tinanong mo ako kung papasok na ko. Tango lamang ang naisagot ko sa iyo. Naalala ko kasi ang sinabi mo noon na bawi na lang ako kapag may trabaho na ako. Naisip kong hanggang ngayon pala, di ko pa natutumbasan ang mga libreng sakay na bigay mo. Sa susunod na matyempuhan ko ang pedicab mo, magbibigay ako ng tip na hinding-hindi ko babawiin at sisingilin habambuhay, ang pangakong hinding-hindi ka mag-iisa. Kumpare na din kita. ^_^
*Saludo ako sa inyo. Tagay po tayo minsan.