<$BlogRSDUrl$>
D I M E N S Y O N
Darating ka ba? Maghihintay ako.... Hindi ako kailanman mapapagod. Hinding hindi.

Sa Aking Kaibigan ng Taon*

Tuesday, February 19, 2008
Ikaw ang kasama ko sa panahong nagdesisyon akong harapin ang mga bagay na noon ko pa dapat hinarap. Hindi biro ang mga kinailangan kong pagdaanang pagbabago, pero naging mas madali ang lahat dahil hindi mo ako binitawan. Ngayong ikaw naman ang nakakaramdam ng kalungkutan, nais kong sabihin sa'yo na hindi kita pababayaan.

Nais kong maging mas malakas ka, kung paanong pinalakas mo ang loob ko sa maraming pagkakataong nagtatampo ako sa buhay. Ikaw ang nagturo sa akin ng kahulugan ng salitang paghihintay, na hindi minamadali ang mga bagay-bagay at ang lahat ay darating sa tamang oras. Kung wala ka sa buhay ko, hindi ko alam kung paano ko sisimulang ikwento ang araw na sinabi ko sa sarili kong kaya ko na.

Ikaw ang naging sumbungan ko, naging opisyal na tagapayo, at kakwentuahn sa mga istorya ng pagkasawi, pagwawagi, pagkakasala, pagtataksil, kapilyuhan, mga kwentong romantiko, at ng mga pinakajologs na kwento sa mundo. Pero sa dami ng ating mga napag-usapan, hindi pa din akong magsasawang magbahagi at makinig sa'yo.

Sinabi mong hindi mo alam kung paano ka magiging masaya sa mga panahong ito. Matagal ko nang pinag-isipang lumikha ng isang artikulo para sa’yo ngunit sa twina’y hindi ko nabubuo. Ito na marahil ang tamang panahon. Sana ay mabigyan kita ng dahilan para maging masaya. Hindi ka dapat maging malungkot. Marami kang napapasaya at isa na ako doon. Ang alay mong pakikipagkaibigan ay isang dahilan para mahalin ka ng maraming tao. Ngiti ka na. Hindi ka kailanman mag-iisa. *Isang mahigpit na mahigpit na yakap*

*bawal ang malungkot!
10:57 AM :: ::
0 Comments:
Post a Comment
<< Home

Jayson :: permalink