<$BlogRSDUrl$>
D I M E N S Y O N
Darating ka ba? Maghihintay ako.... Hindi ako kailanman mapapagod. Hinding hindi.

Ang Simula ng Katapusan*

Thursday, January 24, 2008

Karugtong ng naunang artikulong Gabi, Umaga, at ang Dapithapon (ika-15 ng Hunyo 2007)

Marahang itiniklop ng binata ang natitirang telang babaunin niya sa kanyang nalalapit na paglalayag. Ito ang kanyang huling gabi sa kinagisnang buhay dahil maya-maya lamang ay mararating na niya ang bago niyang mundo, kung saan naroroon ang pinangarap niyang payak at mapayapang pamumuhay. Alam nyang may kulang ngunit handa na siya.

Muling sumulyap ang binata sa kalangitan, at nakita kung paanong ang mga ulap ay nagmistulang namamaalam sa isang kaibigang nakiramay sa maraming pag-ulan. At tulad ng ulap na sa mga oras na iyo’y payapa, wala nang luhang papatak mula sa binata. Pawang buntong hininga na lamang mula sa kanya at ang malungkot na himig ng hangin ang maririnig, ngunit alam ng binata na pagkatapos nito ay papailanlang ang heleng matagal na niyang inaasam. Maririnig ang huling mga salitang bibigkasin ng binata bago ang kanyang paglalayag. Mahal kita.

Matatapos ang araw na tulad ng dati. Mapapawi ang liwanag, babalutin ng dilim ang kalangitan, at magsisimulang mabuo ang buwan. Isang tipikal na gabi, ngunit hindi alintana na sa likod ng liwanag ng buwan, isang paglalayag ang sinimulan tungo sa itinakda.

*at isang panibagong panimula
1:31 PM :: ::
0 Comments:
Post a Comment
<< Home

Jayson :: permalink