Missed Call*
Tuesday, November 21, 2006
Pitong buwan na ngayon mula nang makilala kita. Sandaling panahon pero sapat na para masabi kong naging mabuti tayong magkaibigan. Sa Palma Hall kita unang nakita at nakausap, at mula noon, hindi ka na naalis s isip ko. Hindi mo alam pero noong mga panahong puno ako ng problema, dumating ka, at sa maraming pagkakataon, naging dahilan ka para mapangiti ako sa kabila ng dinaraanan kong mga pagsubok. Sa loob ng pitong buwan, naging madalas ang kwentuhan natin (kahit karamihan ay sa text lang), at sa mga kwentuhang 'yun, unti-unti akong napalapit sa'yo. Araw-araw ay para akong adik na sabik na sabik na makita o maka-text ka man lang. Natatandaan mo ba nung araw na nagulat ako sa pagpasok ko sa isang room sa Palma, at nandun ka? Gustung-gusto ko nun magtatalon sa tuwa, at nag-ilusyon pa ako na may malalim na kahulugan ang pagkikita nating 'yun. Dahil sa kaadikan ko sa'yo, ikaw ang inspirasyon ko sa kauna-unahang love song na nabuo ko gamit ang gitara. Iyon nga lang, di ko kailanman sinabi at pinarinig sa'yo. Ito pa, nakakatawa, man pero nakagawa ako ng sarili kong alphabet para lang maisulat ang pangalan mo, at masabi ko ang mga gusto kong sabihin sa'yo. Paano naman, noong lakas loob pa akong nagsusulat ng tungkol sa'yo, muntik mo nang mabasa! Ito ang isang stanza ng kantang ginawa ko:
"Lumipas ang mga araw, andami nating kwento
Di ko man lang nasabi, damdamin ko para sa'yo
Hanggang natapos ang oras, kailangang magpaalam at lumayo"
Akala ko kasi noon, matatapos na ang komunkasyon natin, pero inabot pa ng pitong buwan para maging totoo ang bahaging ito ng kanta. Nung isang gabi, tinext kita, sabi ko sa'yo: "be happy." at "maraming salamat." Paraan 'yun ng pamamaalam ko. Pasensya at di na kita nireplyan sa mga text mo nang sumunod na gabi, nahihirapan kasi ako, at nasasaktan, dahil habang gusto kong isipng may nararamdaman ka din para sa akin, ay ang unti-unting pagiging malabo ng kung anumang meron sa pagitan nating dalawa.
Sa unang pagkakataon, aaminin ko ang damdamin ko para sa'yo. Gusto kita. May gusto ako sa'yo, at ayokong lumalim pa 'yun, O sige na nga, aaminin ko na. Mahal na nga ata kita, at sana hanggang doon na lang. Ngayon, kayanin ko sanang limutin ka.
*Pakiramdam ko, noong tinatawagan mo ako na sadyang di ko sinagot, ay ang dahilan kung bakit biglang nag-iba ang ihip ng hangin para sa ating dalawa. Pasensya ka na.