High*
Wednesday, October 18, 2006
Ngayong gabi, iba ang tingin ko sa ballpen, notebook, at readings na nasa harapan ko, nakakalunod, nakakapanlabo ng paningin. Tumatakbo ang ang isip ko sa kawalan. Sa halip na mag-aral para sa nalalapit na exam, minabuti kong pakawalan ang tila nalasing kong mga ideya, buhul-buhol, kaybigat, lumulutang sa ere. Gusto kong mapariwara sa gitna ng kadiliman. Tila ngayong gabi, tumakas ang mga pangarap ko sa aking katauhan, at wala akong konsentrasyon sa mga dapat kong ginagawa. Iniangat at minasdan ko ang pasmado kong palad, kusang yumuyuko ang mga daliri, maaari'y senyales ng pagsuko at kapaguran. Wala ako sa aking sarili. Hindi ako ito. Sa sandali'y isa akong istatwa.
Sa di inaasahang pagkakataon, isang kakatwang musika ang aking nalikha, mula sa himig ng aking paghinga na sumasaliw sa ingay ng di mahuli-huling dagang nakikitira sa aming bahay. Sabay ang aming tiyempo, napapaindak ang aking katawan. Marami-rami na akong nabuong awitin, ngunit sa wari ko'y ito ang pinakamadamdamin, nakalululong..... may buhay..... may buhay..... Teka sandali. Natutunaw ako.
*Pasintabi sa mga naghahanap ng sense. Pasintabi din sa mga manunulat na gumagamit ng pasintabi.