<$BlogRSDUrl$>
D I M E N S Y O N
Darating ka ba? Maghihintay ako.... Hindi ako kailanman mapapagod. Hinding hindi.

Kariton*

Sunday, April 09, 2006
Habang lumalaki ako’t nagbibinata, halos araw-araw ko kayong nakikita sa may labasan, kasama ang kariton niyo ng fishballs na inaabot ng hatinggabi bago mawalan ng laman. Sa tuwing dadaan ako sa kalsada papunta sa sakayan ng jeep, lagi ko kayong hinahanap para alamin kung nakakarami na ba kayo ng benta. Noong nasa elementary pa lang ako, ako ang no.1 suki ninyo. Hinahabol-habol ko pa nga kayo noon, dahil para sa akin, kayo ang may pinakamasarap na sawsawan sa lahat ng nagtitinda ng fishballs. Nang tumuntong ako ng haiskul, medyo nagbago ang panlasa ko, at naging suki ako ng ibang tindero, hanggang sa di na talaga ako bumibili sa inyo. Pero hindi doon natapos ang pagsubaybay ko sa inyo at sa maliit niyong negosyo. Araw-araw ko pa ring inaabangan ang makita kayo, kung nagbago na ba ng itsura ang inyong kariton, kung tuluyan na bang pumuti ang lahat ng buhok niyo, o kamukha niyo na ba ang anak niyong minsan kong nakalaro noong kabataan ko.

Di ko man sinasabi sa inyo, lagi kong hinihiling na sana ay maubos ang tinda niyo. Papaano’y nahihirapan akong makita kayong hapung-hapo at pawisan dahil sa buong araw na paglalako, nang hindi man lang kayo nakakabawi sa puhunan. Kitang-kita sa inyong mga mata at kilos kung kailan kayo masaya, at kung kailan maganda ang benta. At sa mga ganitong sitwasyon, natutuwa ako para sa inyo. Lingid sa kaalaman niyo, habang lumalaki ako, iniidolo ko ang kasipagan ninyo, at ang tila walang kapagurang pagtutulak niyo ng kariton ng fishballs para sa inyong pamilya.

Kaya noong gabing narinig ko ang balita mula kay nanay, nablangko ang pag-iisip ko at natulala. Bakit sa ganoong paraan pa? Sinaksak daw kayo ng isa niyong kakilala habang nag-iinuman, at iyon na ang inyong ikinamatay. Ang hirap isipin kung paanong ang isang tulad niyo na naghahanap-buhay nang marangal, at walang tinatapakang tao, ay namatay nang dahil lamang sa isang simpleng alitan. Napakahirap unawain kung bakit kayo na isang simple at mabuting tao ay kailangang mawala sa ganoong paraan, sa paraang di makatarungan at di nararapat.

Ngayon, sa tuwing pupunta ako sa sakayan ng jeep, tanging ang bakanteng pwesto niyo na lamang ang nakikita ko. Wala na ang kariton ng fishballs na naging bahagi ng aking paglaki, hindi ko na makikita ang taong labis akong pinahanga at binigyang inspirasyon. Wala na kayo manong, wala na po kayo. Paalam na po.

Teka, hindi ko man lang pala nalaman ang pangalan niyo. Pero di bale na, di ko naman makakalimutan ang itsura niyo eh. Ang totoo nga po, sa tuwing kumakain ako ng fishballs, kayo ang naaalala ko, at ang gawa niyong sawsawan na minsan kong kinagiliwan.

*Para kay manong: Maraming-maraming salamat po. Hinding-hindi ko po kayo makakalimutan. Paalam po, at hanggang sa muli.
12:27 PM :: ::
0 Comments:
Post a Comment
<< Home

Jayson :: permalink