Sa Pagbuhos ng Ulan*
Saturday, October 08, 2005
Naglalakad tayo noon, pauwi sa kanya-kanyang tinutuluyan. Tapos na kasi ang panonood natin ng sine, at pagkukwentuhan sa tambayan, uuwi na tayo 'nun, hanggang sa nagsimulang bumuhos ang ulan................Sa una ay alinlangan tayong magpabasa, dahil malayo pa ang uuwian ng iba sa atin. Nagmadali pa nga tayong sumilong sa waiting shed, sa may abangan ng jeep. Pero, iba talaga ang dating ng ulan nang gabing 'yun. Sinimulan ng dalawa, sumunod ang iba, hanggang sama-sama na tayong nakisayaw sa buhos ng ulan. Nilimot natin ang lahat ng alalahanin, walang exams, walang papers, walang lovelife, walang problema. Kusa nating itinigil ang pag-ikot ng mundo. Wala tayong pakialam sa mga dumadaang sasakyan, sakop natin ang buong kalsada.
Atin ang mundo nang gabing 'yun, hindi natin alintana ang oras, at wala tayong mga inhibisyon. Ang alam natin, bihira ang ganitong pagkakataon, ang makaligo sa ulan nang sama-sama, at ang iwan ang realidad nang pansamantala. Sino nga ba ang nanalo sa karera natin sa pagtakbo? At ang paghiga natin sa gitna ng kalye? Nakakatawa, para tayong mga batang sabik na sabik makapaglaro. Damang-dama natin ang bawat patak ng ulan, ang bawat patak ng kaligayahan ng ating pagsasama-sama. Hanggang sa natapos ang gabi, at tumila ang ulan........
Inuulit-ulit kong isipin ang gabing iyon, isa sa pinakamasayang gabi ng buhay ko. Ang pagtuloy natin sa bahay ng isang kaibigan, ang marathon natin ng mga di malilimutang pelikula, ang mabilisang pagkain sa loob ng taxi dahil sa lumipas na gutom, ang pagsakay sa jeep nang basang-basa, lahat-lahat. Hindi natin kinayang pahabain pa ang oras na naliligo tayo sa ulan, iyan ang katotohanan. Pero marami pang mga susunod na araw at gabi na pwede nating pagsaluhan. Kung hindi man tayo magkakasama sa susunod na pagbuhos ng ulan, tumanaw lang tayo sa labas ng ating mga bintana, at balikan natin ang mga alaala nang gabing 'yun, ang gabing lalong nagpatibay sa ating samahan, at lalong nagpatunay na mahalaga tayo sa isa't isa.
Hanggang sa susunod na pagbuhos ng ulan, mga kaibigan..........
*Para kay Angel, Ava, AZ, Carol, Cha, Isha, Maw, Nyl, Tin at Torvix.
At sa iba pa, sana sa susunod na pagbuhos ng ulan, kasama na namin kayo.